Naghain ng not guilty plea si dating Philippine National Police Chief Alan Purisima kasama ang ilang dismissed officials ng PNP na sina Gil Meneses, Napoleon Estilles, Allan Acong Parreño, Ford Guerrero Tuazon, Melchor Velasquez Reyes sa kasong graft sa Sandiganbayan.
Kaugnay ito sa kontrata na ipinasok ng pnp sa kumpanyang Werfast Documentation Agency Inc para sa application at delivery ng mga lisensya ng baril noong 2011, sa kabila na hindi accredited ang naturang kumpanya at hindi rin nagbabayad ng tamang buwis.
Inakusahan sina Purisima ng pag-aaward ng courier service contract sa joint venture ng Werfast, Philrem At Cmit Consultancy Group kahit hindi ito sumailalim sa tamang proseso ng bidding.
Samantala hindi naman natuloy ang pagbabasa ng sakdal laban kina Raul Petrasanta, iba pang dating PNP officials, Philrem President Salud Bautista at ibang private individuals dahil sa mga nakabinbin nilang mosyon sa korte.
Itinakda ng korte ang simula ng preliminary conference sa July 26 habang ang pre-trial naman ay sa Oct.13.
Humingi naman ang prosekusyon ng sampung araw ng paglilitis para sa mga ipiprisinta nilang testigo sa kaso.
Sinubukan naming kuhanan ng pahayag si Purisima kaugnay ng kaso ngunit hindi ito nagpaunlak ng interview sa media.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)