Dating Pangulong Noynoy Aquino, kinasuhan na ng Ombudsman kaugnay ng anomalya sa disbursement acceleration program

by Radyo La Verdad | June 21, 2018 (Thursday) | 12408

Kinasuhan na ng Ombudsman si dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na ipinatupad ng nakaraang administrasyon.

Nakitaan ng probable cause o sapat na basehan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na kasuhan ang dating pangulo ng usurpation of legislative powers sa ilalim ng Article 239 ng Revised Penal Code.

Nag-ugat ang kaso sa implementasyon ng DAP ng nakaraang administrasyon kung saan 72 bilyong piso na pondo ang inilipat mula sa iba’t-ibang ahensiya nang walang kaukulang appropriation o alokasyon mula sa Kongreso.

Batay sa resolusyon ng Ombudsman, may ebidensiya umanong nagpapatunay na nagsabwatan sina Aquino at dating Budget Secretary Florencio “Butch” Abad upang saklawan ang kapangyarihan ng Kongreso na maglaan ng pondo sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ayon sa Ombudsman, hindi maipapatupad ang DAP kung hindi nilagdaan ng dating pangulo ang memorandum para dito.

Hindi naman kinatigan ng Ombudsman ang apela ni Abad na baliktarin ang naunang desisyon nito na sampahan din siya ng kaparehong kaso.

 

Tags: , ,