Dating Pangulong Noynoy Aquino, iginiit na walang patunay na Dengvaxia ang ikinamatay ng mga batang sinuri ng PAO

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 9714

Personal na nagsumite ng kontra-salaysay sina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ).

Sagot ito nina Aquino sa patung-patong na reklamong inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution (VPC), kaugnay ng sinasabing anomalya sa pagbili ng 3.5 bilyong piso na halaga ng anti-dengue vaccine.

Sa depensa ng dating pangulo, iginiit nitong sa kasalukuyan ay walang categorical finding mula sa mga eksperto na nagsasabing ang Dengvaxia ang ikinamatay ng mga nabakunahang bata.

Sinagot din ni Aquino ang umano’y kwestiyonableng procurement ng nasabing bakuna na itinaon umano ng kaniyang administrasyon sa election ban.

Iginiit naman ng dating kalihim ng DOH na mali at hindi alinsunod sa guidelines ng World Health Organization (WHO) ang naging paraan ng pagkumpirma ng sanhi ng pagkamatay ng ilang batang na-autopsy.

Pero sagot ng Public Attorney’s Office (PAO) na nagsagawa ng autopsy sa mga bangkay ay WHO rin ang kanilang pinagbasehan.

Ayon naman sa dating pangulo, nagmistulang forum-shopping ang paghahain ng reklamo laban sa kaniya at ilang miyembro ng kaniyang gabinete.

Itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa reklamo sa ika-22 ng Hunyo.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,