Pinawalang-sala ng Korte Suprema si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo sa kasong plunder kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng PCSO.
Sa botong 11-4, kinatigan ng Korte Suprema ang demurrer to evidence ni Arroyo at dinismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Iniutos din ng mataas na hukuman ang agarang pagpapalaya kay Arroyo mula sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City kung saan siya naka hospital arrest simula noong October 2012.
“Wherefore the court grants the petitions for certiorari; annuls and sets aside the resolutions issued in criminal case no sb-12-crm-0174 by the Sandiganbayan on April 6, 2015 and September 10, 2015; grants the petitioners’ respective demurrers to evidence; dismisses criminal case no sb-12-crm-0174 as to the petitioners Gloria Macapagal-Arroyo and Benigno Aguas for sufficiency of evidence; orders the immediate release from detention of said petitioners.” Pahayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te
Sinulat ni Associate Justice Lucas Bersamin ang desisyon na sinang ayunan naman nina Associate Justice Presbitero Velasco Jr, Teresita Leonardo de Castro, Arturo Brion, Mariano del Castillo, Diosdado Peralta, Jose Perez, Jose Mendoza, Bienvenido Reyes, Estela Perlas-Bernabe at Francis Jardleza.
Tumutol naman sa desisyon sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Justice Antonio Carpio at Justices Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa.
Pinawalang-sala rin ng Korte Suprema ang kapwa akusado ni Arroyo na si Benigno Aguas na dating budget officer ng PCSO.
Nag-ugat ang kaso laban kina Arroyo at Aguas sa umano’y maanomalyang paggamit sa 366-million pesos na pondo ng PCSO mula 2008 hanggang 2010.
Nagpasalamat naman ang kampo ni Arroyo sa desisyon ng Korte Suprema dahil makakalaya na rin ang dating pangulo makalipas ang halos apat na taong pagkakakulong.
(Roderic Mendoza/UNTV Radio)
Tags: dating pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo, PCSO