Dating Pangulong Benigno Aquino III, sinampahan ng 2 kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng Mamasapano incident

by Radyo La Verdad | November 9, 2017 (Thursday) | 9397

Paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices ACT at usurpation of official functions ang mga inihaing kaso ng Office of the Ombudsman laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

Nag-ugat ang kaso sa naging operasyon ng Philippine National Police sa Mamasapano noong 2015 kung saan 44 na miyembro ng PNP Special Action Force ang napatay.

Base sa impormasyon ng kaso, nagpa-impluwensya si Aquino sa noo’y suspendidong PNP Chief Alan Purisima kaugnay sa Oplan Exodus para mahuli si Marwan at Basit Usman.

Nilabag umano ni Aquino ang PNP Chain of Command, ang Suspension Order ng Office of the Ombudsman laban kay Purisima at maging ang kautusan ni noo’y OIC PNP Chief Leonardo Espina na huminto sa pagganap ng tungkulin ang mga sinuspindeng opisyal ng PNP.

May kabuoang P40k lamang ang inerekomendang piyansa ng Office of the Ombudsman sa 2 kaso laban sa dating Pangulo.

Ayon kay Senator Antonio Trillanes IV, ang noo’y direktor ng PNP Special Action Force o SAF na si Getulio Napeñas ang dapat managot at hindi ang dating Presidente.

Ayon naman kay Sen. Bam Aquino, bukas ang dating Pangulo sa naging papel nito sa trahedya sa Mamasapano kaya’t tiwala siyang haharapin nito ang kaso at umaasang lalabas din sa huli ang katotohanan.

Ayon sa VACC, na siyang original complainant sa kaso ng SAF 44, mali at mas mababang kaso ang isinampa ng Ombudsman.

Paniwala nila, inhustisya itong maituturing para sa mga biktima. Duda rin ang grupo sa motibo ng Ombudsman.

Tila inuunahan umano ni Morales ang pag-aksyon ng Korte Suprema sa kanilang apela na repasuhin ng resulta ng imbestigasyon sa kaso.

Ayon sa grupo, pwede pang maglabas ng TRO ang S.C. upang patigilin ang proceedings sa Sandiganbayan.

Sa text message ni Abigail Valte, tagapagsilata ni dating Pangulong Benigno Aquino III, sinabi nito na maglalabas sila ng pahayag hinggil sa inihaing kaso.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,