Dating Pangulong Benigno Aquino III, hindi dumalo sa pagdinig ng DOJ sa Dengvaxia cases

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 2670

Itinuloy kanina ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa mga reklamo kaugnay ng Dengvaxia controversy.

Dumalo ang karamihan sa mga opisyal ng Department of Health (DOJ) na inaakusahan ng paglabag sa procurement law, technical malversation, graft at criminal negligence dahil sa umanoý maanomalyang pagbili sa 3.5 billion pesos na halaga ng mga bakuna kontra dengue.

Kasama sa mga inireklamo sina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating Budget Secretary Butch Abad at dating Health Secretary Janet Garin, ngunit mga abogado lamang nila ang humarap sa pagdinig.

Pero kahapon, iginiit ng dating pangulo na hindi malinaw kung ano ang inaakusa ng mga complainant.

Ang mga complainant ay ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Vanguard of the Philippines, INC at si Atty. Manuelito Luna.

Sa pagdinig kanina, ipinamahagi sa mga respondent ang napakakapal na kopya ng mga reklamo laban sa kanila at bibigyan ng 15 araw upang magpasa ng counter affidavit sa DOJ.

Ayon sa tagapagsalita ng mga inerereklamong opisyal ng DOH na si Dr. Mar Wynn Bello, nakahanda silang harapin ang anomang kasong isasampa sa kanila.

Inoobliga ng DOJ na dumalo ang mga respondent sa susunod na pagdinig sa ika-4 ng Hunyo upang personal na manumpa.

Samantala, sinimulan na ring dinggin ng DOJ ang limang reklamong isinampa ng mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia at Public Attorney’s Office laban sa mga opisyal ng DOH, kabilang sina Health Sec. Francisco Duque at dating Sec. Janette Garin.

Iniuugnay ng mga ito ang pagkamatay ng mga bata dahil sa Dengvaxia. Kasong reckless imprudence resulting to homicide at paglabag sa anti-torture law naman ang reklamong isinampa ng mga ito.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,