Dating Pangulong Aquino, sinampahang ng panibagong plunder complaint sa Ombudsman

by Radyo La Verdad | May 11, 2018 (Friday) | 95486

Bulto bultong mga dokumento ang bitbit ng grupong citizens crime sa Office of the Ombudsman. Nakapaloob dito ang mga ebidensya ng grupo laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sinampahan ng reklamong plunder, malversation at graft and corruption ng citizens crime si Aquino dahil sa anila’y maanomalyang pagbili at paggamit ng Dengvaxia vaccine. Ito na ang ikatlong reklamong isinampa laban kay Aquino kaugnay ng Dengvaxia controversy.

Kasamang inireklamo ng grupo sina dating Executive Secretary Paquito Ochoa, dating Budget Secretary Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin at 15 iba pang mga kasalukuyan at dating opisyal ng Department of Health.

Ayon kay Diego Magpantay, ang presidente ng grupo, malinaw sa isinagawang imbestigasyon ng Senado na hindi dumaan sa tamang proseso ang pagbili ng Dengvaxia at nasayang lang ang pera ng pamalahaan dahil dito.

Anila, sa 3.5 bilyong piso na budget para sa proyekto, 500 milyong piso dito ang unaccounted.

Ayon naman kay Atty. Abigail Valte, legal counsel at tagapagsalita ni Aquino, ang panibagong reklamong ito ay hindi talaga para mapanagot ang sinoman kundi nais lamang umano ng mga complainant na magkaroon ng pwesto sa gobyerno.

Pero nilinaw ni Valte na sa handa ang dating pangulo na harapin ang lahat ng mga reklamong laban sa kanya.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,