Dating opisyal ng PCSO Rosario Uriarte nais gawing testigo sa plunder case vs CGMA

by Radyo La Verdad | July 22, 2016 (Friday) | 927

drilon
Hinikayat ni Senador Franklin Drilon ang Office of the Ombudsman na alamin kung nasaan na si dating general manager at vice chairman ng PCSO, Rosario Uriarte at pabalikin ng bansa kung kinakailangan.

Naniniwala si Drilon na si Uriarte ang key witness sa kaso laban kay dating Pangulong Arroyo batay na rin sa mga testimonya nito sa Senado.

Noong 2011, sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon hearing kaugnay sa mga anomalya sa PCSO, sinabi nito na humiling ang dating pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office ng karagdagang P150-million na intelligence fund.

Inaprubahan naman kaagad umano ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ang naturang request, ayon kay Uriarte.

Personal umanong isinumite ni Uriarte ang mga request sa Malacañan at personal itong nilagdaan ng noon ay pangulo na si Gloria Macapagal Arroyo.

Para kay Senate President Franklin Drilon, si Uriarte ang maituturing na missing link sa kaso ni Arroyo

Hindi nai-presinta bilang witness si Uriarte dahil nawawala na ito.

Naniniwala naman si Drilon na ang pagkawala ni Uriarte ay isang patunay na may iregularidad sa pondo ng PCSO.

Maari namang sumulat ang Ombdusman sa Department of Justice at hilingin na hanapin ang ang kinaroroonan ni Uriarte

Bagamat dismayado si Drilon sa pangyayari, dapat aniya na irespeto ang desisyon ng kataas-taasang hukuman.

(Bryan de Paz/UNTV Radio)

Tags: