Dating opisyal ng DTI, iminungkahing ibalik sa pinaggalingang bansa ang mga nasasabat na smuggled goods

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 3924

Sunod-sunod ang mga nasasabat na smuggled na produkto ng pamahalaan nito lamang nakalipas na mga linggo. Karamihan sa mga ito ay produktong agrikultura gaya ng bigas at sibuyas na nagkakahala ng daang milyong piso.

Ayon kay dating Trade Undersecretary Vic Dimagiba, para maiwasan ang mahabang proseso, dapat ay ibalik na lamang sa bansang pinanggalingan ang mga nasasabat na produkto. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan na rin ang kurapsyon.

Pero ayon sa Bureau of Customs (BOC), wala sa Tarrif and Customs Code of the Philippine at sa Customs Modernization and Tarrif Act ang pagpapabalik sa mga shipment. Wala ring sasagot ng gastos sa shipping pabalik sa pinagmulang bansa.

Mahuhuli din aniya ang mga smuggler kung makakarating sa bansa ang kargamento.

Ayon naman kay dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, malaki ang epekto sa mga magsasaka kung makakarating sa merkado ang mga smuggled na produkto.

Suhestyon naman ni Dimagiba, higpitan ang pagpapatupad ng inspeksyon at gawin na ito mula pa lamang sa bansang pagaangkatan gaya ng ginagawa ngayon sa semento.

Maari din aniyang magbukod ng buffer fund ang mga ahensya gaya ng Department of Agriculture (DA) para solusyunan ang kakulangan sa mga pangunahing bilihin batay sa Section 10 ng Republic Act 7581 o ang Price Act.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,