Dating NFA Administrator Jason Aquino, dapat managot sa batas dahil sa naranasang suliranin sa bigas sa bansa – Malacañang

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 2867

Naniniwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat mapanagot ang dating administrator ng National Food Authority (NFA) na si Jason Aquino dahil sa nangyaring krisis sa bigas sa bansa. Isinisi rin ng Malacañang ang pagbaba ng ratings ng Duterte administration kay Aquino.

Kung wala aniyang magsasampa ng kaso laban kay Aquino, si Roque ang maghahain ng reklamo laban sa dating NFA administrator at sasampahan ng mga kasong tulad ng graft and corruption.

Samantala, ilang kautusan naman ang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapababa ang presyo ng produktong pagkain sa bansa.

Kabilang dito ang Administrative Order Number 13 na magpapabilis sa proseso ng pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng bigas, manok, baboy, at isda.

Inilabas din ng Malacañang ang Memorandum Order Number 26 na nag-uutos sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng paraan upang huwag maging malayo ang retail price ng agricultural products sa farmgate prices nito.

Kabilang dito ang paglalagay ng public outlets at cold storages at makapagbebenta ng direkta sa mga consumer ang mga poultry producer.

Binibigyan naman ng direktiba ng Memorandum Order Number 27 ang DA, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Metro Manila Development Authority na tiyaking mabilis ang delivery ng imported agriculture at fishery products mula sa mga pantalan patungong merkado sa pamamagitan ng pagbibigay ng food lane passes sa mga truckers at suppliers na may dalang mga produkto.

At ang Memorandum Order Number 28 naman ay nag-uutos sa National Food Authority (NFA) na ilabas ang lahat ng rice stocks mula sa mga warehouse nito.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,