Dating myembro ng Philippine Army, nahulihan ng higit isang milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa Parañaque City

by Radyo La Verdad | October 26, 2018 (Friday) | 14834

Sa parking lot na ito sa loob ng isang mall sa Parañaque City isinagawa ng mga otoridad ang buy bust operation bandang alas singko ng hapon kahapon.

Target ng operasyon si Johnvhen Arnaiz o alyas bossing na dating miyembro ng Philippine Army ngunit naaresto rin ang dalawa pang kasama nito na sina Valentin Arnaiz at Joseph Cabatbat.

Nakarating sa mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office ang impormasyon kaugnay sa pagbebenta umao ng shabu ni Arnaiz.

At nang makumpirma ng mga operatiba ang iligal na aktibidad ng suspek ay nagsagawa na ang mga ito ng buy bust operation. Nasabat sa mga suspek ang apat na plastik na pakete na naglalaman ng nasa dalawang daang gramo ng hinihinalang shabu. Nagkakahalaga umano ito ng higit isang milyon at tatlong daang libong piso.

Nakuha din sa mga suspek ang isang kwarenta y singkong kalibre ng baril, mga bala at ang buy bust money.

Ayon pa kay Eleazar, natutunan ni Arnaiz ang kalakalan ng iligal na droga nang nakulong ito dahil sa mga kasong pagpatay. Nang ma-dismiss ang mga kaso at nakalaya nitong Mayo ay nagbenta na umano ito ng shabu.

Posibleng maharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,