Humingi si dating MRT Gen Manager Al Vitangcol III sa Sandiganbayan ng abogado mula sa Public Attorney’s Office o PAO upang irepresenta siya sa paglilitis sa korte.
Nahaharap si Vitangcol sa kasong graft at paglabag sa government procurement law dahil sa umano’y pagbibigay ng pabor sa PH Trams para sa maintenance ng MRT noong 2012 kahit pa may conflict of interest sa deal na ito.
Sa mosyon na sinulat at pinirmahan mismo ni Vitangcol, sinabi nitong hirap siyang makahanap ng abogado na magrerepresenta sa kanya.
Sinubukan na raw niyang lumapit sa mga prominenteng law firm, ngunit hinihingan siya ng isang milyung piso para sa acceptance fee at iba pang legal fee.
Hindi raw ito kayang bayaran ni Vitangcol dahil magmula nang mabahiran ang kanyang reputasyon dahil kaso, hindi na siya nakakakuha ng kliyente bilang private lawyer.
At dahil may hold departure order siya, nalilimitahan siya at hindi na aasikaso ang kanyang mga negosyo.
Una nang sinabi ni Atty. Al Vitangcol na bagaman abogado siya, hindi niya gusto na irepresenta ang kanyang sarili sa korte dahil sa posibleng emotional attachment niya sa kaso.
Ayon naman kay Atty. Persida Acosta, ang Chair ng Public Attorney’s Office o PAO, handa siyang magbigay ng senior counsel nahahawak sa kaso ni Vitangcol kung ipaguutos ng Sandiganbayan.
Ayon kay Acosta kailangan lamang ay mapatunayan ni Vitangcol na wala siyang pagkukuhanan ng pambayad sa abogado.
Nito lamang nakaraang linggo, nagtalaga ang korte ng isang PAO lawyer kay Vitangcol upang magrepresenta sa kanyang arraignment dahil wala siyang kasamang abogado.
Tumangging maghain ng plea si Vitangcol sa kanyang kaso.
(Joyce Balancio/UNTV News)
Tags: Dating MRT Gen Manager Al Vitangcol III, Public Attorney's Office