Dating ministro na si Isaias Samson Jr, maghahain ng mosyon sa DOJ upang maitakda na ang pagdinig sa kaso laban sa Iglesia ni Cristo

by Radyo La Verdad | October 28, 2015 (Wednesday) | 4585

Ex-INC Minister Isaias Samson (Youtube)
Ex-INC Minister Isaias Samson (Youtube)

Agosto pa nagsampa ng reklamo laban sa mga lider ng Iglesia ni Cristo ang dating ministro na si Isaias Samson Jr.

Kaugnay ito ng sapilitan umanong pagkulong sa compound ng INC, pananakot at pagbabanta sa kanya at sa kanyang pamilya.

Ngunit ayon sa kanyang abogado na si Atty. Trixie Angeles, hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung kumpleto na ang panel ng mga prosecutor na hahawak sa preliminary investigation sa mga reklamong illegal detention, harassment, threats at coercion.

Kaya’t posibleng sa linggong ito ay maghahain sila ng mosyon sa DOJ upang maitakda na ang pagdinig sa mga reklamong isinampa sa walong myembro ng sanggunian ng INC.

Batay sa panuntunan ng National Prosecution Service, kailangang maresolba ang mga reklamo sa loob ng syamnapung araw o tatlong buwan.

Gayunman, ayon sa abogado, bibigyan nila ng pagkakataon ang mga piskal na naitalaga dito na gawin ang kanilang trabaho at hindi nila basta hihilingin na mag inhibit ang mga ito.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

Tags: , ,