Dating Manila Mayor Alfredo Lim, sinampahan ng reklamong graft sa Ombudsman

by Radyo La Verdad | April 7, 2016 (Thursday) | 2803

MAYOR-LIM
Inireklamo ng graft si dating Manila Mayor Alfredo Lim ng isang concerned citizen ng Tondo kaugnay ng umano’y substandard construction ng school building ng Rosauro Almario Elementary.

Ayon sa reklamo na inihain ni Rosemarie Fernandez, depektibo ang apat na palapag na tinaguriang “Lim building” ng nasabing paaralan.

Sinabi ni Fernandez na minadali ng pamahalaan ng Maynila ang bidding at pagpapagawa ng gusali noong 2010.

Maliban kay Lim, inireklamo rin ang labing apat na iba pa kabilang ang dating city engineer, bids and awards committee members at iba pa.

Nang punatahan ng UNTV News ang sinasabing paaralan, nakita ang ilang cracks sa pader at sa kisame nito.

Sinubukan ng UNTV na humingi ng pahayag mula sa ilang guro ng paaralan ngunit tumanggi sila.

Ang tanging sinabi nila ay ipinasara na ito ng city engineer’s office dahil hindi na ito ligtas para sa mga mag-aaral.

Ayon sa complainant, nasayang ang buwis ng mga residente ng Maynila dahil inabot din ng 68.5 million pesos ang konstruksyon ng gusali.

Ito ang ikatlong graft complaint na inihain laban kay Lim.

Una na siyang nareklamo dahil sa maanomalyang parking meters contract ng Maynila at umano’y hindi pagbabayad ng tamang buwis ng lungsod.

Sinubukan ng UNTV News na kuhanan ng pahayag si Lim, ngunit hindi ito sumasagot sa tawag at text.

(Joyce Balancio/UNTV NEWS)

Tags: