Dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, tumestigo sa Sandiganbayan sa kaso vs. dating Makati Mayor Elenita Binay

by Radyo La Verdad | March 29, 2017 (Wednesday) | 2669


Desidido si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na ituloy ang pag-testigo sa kasong graft na kinakaharap ni dating Makati Mayor Elenita Binay.

Ito ay kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng mga gamit sa opisina ng Makati City Hall Building na nagkakahalaga ng 72.06 million pesos.

Ayon kay Mercado, walang kinalaman sa naging alitan niya sa pamilya Binay ang kanyang pagtestigo kundi nais lamang niya ipahayag ang mga nalalaman sa isyu.

Sa testimonya, sinabi ng dating bise alkalde na inutusan siya ni dating Mayor Jejomar Binay na makipag-ugnayan sa mga tauhan ng Commission on Audit na magsasagawa ng pagsisiyasat para sa mga biniling gamit sa bagong city hall.

Matapos lumabas ang COA report, muli siyang ipinatawag ni Ginoong Binay upang makipag-usap naman kay dating City Administrator Nicanor Santiago.

Nais din aniya nitong ipasuri sa mga abogado ang COA report sa pangambang makakasuhan sila.

July 2014 nang muling makita ni Mercado ang final audit report at inatasan na siya ni Santiago na ibigay ito kay COA Commissioner Heidi Mendoza.

Ngunit august 2014 na niya ito nai-abot kay Mendoza kasabay ng unang pagdinig ng Senado sa isyu ng Makati City Hall Parking Building.

Nang maibigay ni Mercado ang COA report niyakap umano ni Mendoza ang libro at sinabing “Salamat Mr. Mercado,You are my savior”

Ang lahat ng isinalaysay ni Mercado sa pagdinig ngayong araw ang siya namang iko-cross examine ng depensa sa susunod na hearing na itinakda sa May 17.

(Mon Jocson)

Tags: , ,