Ginigiit ni dating Makati City Mayor Elenita Binay sa Sandiganbayan na huwag payagan si dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado na tumestigo laban sa kanya sa kasong graft.
Sa motion for reconsideration na inihain ni Binay, sinabi nitong hindi maaaring maiprisinta ang mga hindi nailagay ng prosekusyon sa kanilang mga listahan ng testigo noong pre-trial.
Tinututulan rin ni Binay na gamitin bilang ebidensya ang testimonya ni Ernesto Aspillaga, kapwa akusado ni Binay at dating emplayado sa Makati.
Si Aspillaga ang may hawak sa mga dokumento tungkol sa bidding at overpriced procurement ng office furniture at partitions na ginamit sa Makati City Hall na umabot sa 72 million pesos noong 1999.
Nais ng prosekusyon na i-abswelto si Aspillaga upang tumayong state witness laban kay Binay.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)