Dating magsasaka, itinuturing na person of interest ng PNP sa Sagay massacre

by Radyo La Verdad | October 23, 2018 (Tuesday) | 3820

May itinuturing ng person of interest ang PNP sa pagpatay sa siyam na magsasaka ng tubo sa Hacienda Nene, Purok Fire Tree Brgy. Suganon, Sagay Negros Occidental noong Sabado ng gabi.

Ayon sa PNP, mga kapitbahay ng biktima na nakakita sa pangyayari ang nagturo kung sino umano ang responsable sa pagpaslang sa mga biktima.

Ayon naman kay Police Regional Office 6 Director PCSupt. John Bulalacao, apat na anggulo ang kanilang tinututukan kaugnay ng nangyaring krimen. Ito ay ang paggamit ng landowner ng goons, alitan sa lupa, ang pakiki-alam ng New People’s Army at ang pang-apat ay ang dating away ng CAFGU sa land owner noong 2015.

Kasama din aniya sa persons of interest na tinututukan ng mga pulis sa imbestigasyon ay ang core member ng National Federation of Sugar Workers.

Aniya, sa tatlong persons of interest, dalawa na ang isinalang sa parrafin test.

Sinabi pa ni Bulalacao na may nakuha din ang mga pulis na baril sa mga napatay na biktima gaya ng kalibre 38 baril at mga bala ng shotgun.

Base din aniya sa salaysay ng mga witness, nasa 5-7 lamang ang suspek, taliwas sa naunang balita na nasa 40 armadong kalalakihan ang namaril sa mga biktima.

Isa din aniya sa mga bumaril ay nakilala ng witness na taga-Hacienda Nene din lamang.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,