Dating intel officer ng BOC, ikukulong ng Kamara matapos patawan ng contempt

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 3646

Itinuloy kahapon ng Kamara ang imbestigasyon sa umano’y naipuslit na mahigit anim na bilyong pisong halaga ng iligal na droga sa Cavite.

Pero bigong makakuha ng karagdagang impormasyon ang mga kongresista mula sa dating intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) na si Jimmy Guban.

Si Guban ang umano’y consignee o nagproseso sa pagpasok ng apat na magnetic lifters na umano’y naglalaman ng P6.8 bilyong piso na halaga ng shabu.

Dahil dito, nagpasya ang kumite na patawan ng contempt ang dating intel officer ng Customs. Una na itong pinatawan ng contempt at kinulong ng Senado dahil sa kaparehong dahilan.

Bubusisiin din ng House committee ang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) nito.

Natuklasan sa pagdinig na limampu’t anim na beses itong bumiyahe sa abroad mula 2006 sa kabila ng sumusweldo lang ito ng 19,000 pesos kada buwan bilang intelligence officer noon ng BOC.

Nanindigan naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magkakaugnay at galing sa international drug syndicate na Golden Triangle ang nakumpiskang 355 kilo ng shabu sa Port of Manila noong ika-7 ng Agosto 2018 na nagkakahalaga ng 4.3 bilyong piso.

At ang tinatayang P6.8B na halaga ng shabu na sinasabing nakalagay sa apat na empty magnetic lifters na natagpuan sa GMA Cavite noong ika-2 ng Setyembre.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,