Dating Health Sec. Garin, iginiit na walang basehan ang mga reklamo kaugnay ng Dengvaxia controversy

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 3323

Sinagot na ni dating Health Secretary Janet Garin ang siyam na reklamong kriminal na inihain ng mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia, kabilang na ang kasong reckless imprudence resulting to homicide at paglabag sa Torture law.

Sa kontra-salaysay ng dating health secretary, iginiit nitong walang basehan ang mga reklamo.

Ang pag-isyu aniya ng lisensya sa naturang bakuna ay base sa resulta ng dalawang malawakang clinical trial sa limang bansa sa asya at limang bansa sa latin america na nilahukan ng 41 libong subjects.

Dagdag pa nito, sumunod ang DOH sa guidelines sa kaligtasan, bisa at cost-effectiveness ng naturang bakuna noong kaniyang panahon.

Sa ngayon ay umabot na sa 64 ang sumailalim sa gross forensic exam ng Public Attorney’s Office (PAO) at kanina ay inihain nito ang ika-sampung criminal complaint laban kay Garin, dating mga opisyal ng DOH, Sanofi Pasteur at iba pang sangkot sa kontrobersyal na bakuna.

Itinakda ang susunod na mga pagdinig sa ika-16 hanggang ika-27 ng Hulyo at matapos nito ay inaasahang magpapasya na ang DOJ kung tuluyang kakasuhan sa korte sina Garin at iba pang opisyal.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,