Inireklamo sa Office of the Ombudsman ng grupong Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna, Agham at Train Riders Network si dating Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya, dating MRT General Manager Roman Buenafe at iba pang mga dating DOTC.
Reklamong graft at paglabag sa government procurement law ang isinampa laban sa naturang mga opisyal. Kasama ding inireklamo ang mga opisyal ng Busan Universal Rails Incorporated o BURI na siyang dating nagmamantini sa MRT.
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr., maanomalya ang pinasok na kontrata ng DOTC at BURI para sa maintenance ng MRT. Ikinalulungkot naman ni fomer Secretary Joseph Abaya ang isinampang kaso sa kaniya.
Sa kabila nito, handa umano siyang humarap sa Office of the Ombudsman upang idepensa ang kaniyang sarili at wala siyang dapat ikatakot o anomang itinatago.
Ayon naman kay Buenafe, nais muna niyang mabasa ang reklamo bago magkomento. Giit naman ng mga militanteng grupo, ang paghahain ng reklamo ay babala na rin sa mga kasalukuyang opisyal ng Department of Tranportation na huwag tularan ang ginawa ng nakaraang administrasyon.
Isinusulong naman ng mga militante na gobyerno na lang ang magpatakbo ng maintenance. Hindi rin sang-ayon ito sa panukala na itigil muna ang operasyon ng MRT dahil marami aniya ang maaaring maapektuhan nito.
( Abi Sta. Inez / UNTV Correspondent )