Panibagong kaso ng homicide, torture at paglabag sa Consumer Act of the Philippines ang kinakaharap ngayon ni dating Health Secretary Janet Garin kaugnay sa kontrobersyal na dengue mass immunization program ng pamahalaan.
Isang magulang mula Subic-Zambales ang naghain ng reklamo. Dumulog ito sa Public Attorney’s Office (PAO) matapos masawi ang kaniyang anak noong Oktubre.
Tatlong beses umanong nabakunahan ng Dengvaxia ang kaniyang anak.
Ayon sa PAO Forensics, batay sa kanilang pagsusuri sa mga labi ng anak ni Aling Rowena Villegas, lumabas na kapareho sa mga batang iniuugnay ang pagkamatay sa Dengvaxia ang nakitang pattern sa pagkasawi ng bata.
Ayon sa PAO, hindi dito natatapos ang reklamong ihahain nila laban sa dating kalihim ng DOH dahil sa ngayon, umabot na sa 67 ang bilang ng mga vaccinees na kanilang na-autopsy habang 55 na ang sumailalim sa histopathological examination.
Wala pang tugon sa panibagong reklamo si Garin subalit una na nitong itinanggi na may iregularidad sa ipinatupad na programa.
Samantala, binigyan naman ng DOJ panel ng hanggang a uno ng Agosto ang PAO para sagutin ang kontra salaysay ng mga respondents sa mga naunang inihaing reklamo.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )