Sa tulong ng impormasyon na ipinadala sa mga otoridad sa Pilipinas, naaresto ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang Egyptian national na si Fehmi Lassqued alyas John Rasheed Lassqued sa kaniyang tinutuluyang Casa Blanca Apartment sa may Adriatico St., Malate, Manila noong Sabado.
Batay sa intelligence report na ibinigay ng foreign counterparts ng PNP at AFP, isang lider ng Islamic State o ISIS ang pumasok sa Pilipinas mula sa Iran noong July 2016 gamit ang pekeng passport.
Bihasa umano ang dayuhan sa paggawa ng bomba kayat itinuturing na malaking banta sa seguridad ng bansa. Nakuha sa suspek ang baril, mga bala at iba’t-ibang gamit sa paggawa ng bomba. Kasama inaresto ng mga otoridad ang girlfriend ni Lassqued na si Anabelle Salipada na tubong Upi, Maguindanao.
Ayon sa hepe ng Metro Manila police na si Police Director Oscar Albayalde, pinapasok ng mga miyembro ng ISIS ang mga bansa na may mga kaguluhan upang makapag-recruit.
Inaalam pa sa ngayon ng mga otoridad kung may narecruit na si Lassqued para sumali sa ISIS terrorist group.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )