Dating COMELEC Chief Andres Bautista, pagpapaliwanagin ng Senado kaugnay sa alegasyon ng hidden wealth

by Radyo La Verdad | December 7, 2017 (Thursday) | 10638

Muling humarap kahapon sa pagdinig ng senado ang mga opisyal ng Luzon Development Bank kung saan may kwestyonableng bank accounts si dating Commission on Elections Chairman Andres Bautista.

Ngunit tumanggi muling magsalita ang LDB tungkol sa particular na bank account ng dating COMELEC Chief dahil sa umiiral na bank secrecy law.

Batay sa alegasyon ni Mrs. Patricia Bautista, may tatlumpu’t limang accounts sa LDB ang kaniyang asawa na umaabot sa 329-million pesos ang kabuuang balanse na taliwas na sa kaniyang idinekla sa SALN.

Ilang accounts ng mga sequestered company ng Presidential Commission on Good Government sa ilalim pa ng pangangsiwa ni Bautista ang sinasabing nasa Luzon Development Bank. Hihilingin naman ni Senate Committee on Banks Chairperson Francis Escudero sa Presidential Commission on Good Government na magpadala ng bank waiver upang mahalungkat ang mga kwestyonableng transaksyon.

Pipilitin rin ng komite na mapadalo sa susunod na pagdinig ang dating poll chief upang ipagtanggol ang kaniyang sarili sa mga alegasyon. Maging ang kapatid nito na si Martin ay iimbitahan rin ng senado.

Ang alegasyon ng tagong yaman ang isa sa mga isyu kaya umusad sa Kamara ang impeachment case laban kay Bautista. Ngunit bago ito tuluyang umabot sa senado ay nagbitiw na siya sa pwesto.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,