Dating COMELEC Chairman Andres Bautista, ipinaaaresto ng Senate Committee on Banks

by Radyo La Verdad | February 13, 2018 (Tuesday) | 8790

Nagdesisyon ang Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na i-cite in contempt si dating Commission on Elections Chairman Andres Bautista.

Hiniling na rin ng komite sa senate president na maglabas ng warrant of arrest laban sa dating poll chief matapos hindi  magpakita sa ikatlong pagkakataon sa pagdinig kaugnay ng umano’y kaniyang mga tagong yaman.

Sa sulat na ipinadala ni Bautista sa senado, sinabi nito na wala siyang natatanggap na subpoena at nalaman lamang niya ang tungkol sa imbitasyon ng komite sa media.

Sinasabing nasa ibang bansa si Bautista at may problema sa kalusugan dahil sa umanoy hypertension. Pero duda dito ang komite dahil batay sa record ng  Bureau of Immigration, October 28, 2017 pa ito huling lumabas ng Pilipinas at nakabalik na noong November 1.

Hinamon naman ni Escudero si Bautista na lumagda sa isang waiver upang masuri ng komite ang kaniyang mga bank accounts.

Nakiusap naman ang asawa ng dating poll chief na magpakita na at ang sagutin ang mga isyu.

Batay sa alegasyon ni Mrs. Patricia Bautista, may tatlumpu’t limang accounts umano sa Luzon Development Bank ang kaniyang asawa na umaabot sa 329-million pesos ang kabuuang balanse na taliwas na sa kaniyang idinekla sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,