Dating APEC Partylist Rep Edgar Valdez , pansamantalang nakalaya sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam

by Radyo La Verdad | April 14, 2016 (Thursday) | 2815

JOYCE_VALDEZ
Matapos maditine ng mahigit isang taon sa Bureau of Jail Management and Penology facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, makakauwi na sa kanyang bayan sa General Santos City si dating APEC Partylist Rep. Edgar Valdez ngayong araw.

Isa si Valdez sa mga mambabatas na nakasuhan ng plunder at graft dahil sa Pork Barrel Scam.

Kanina ay sumailalim na siya sa huling bahagi ng bail posting procedure kabilang na finger printing at pagpapasa ng litrato para sa record ng korte.

Kahapon nagpiyansa na rin siya ng one million seven hundred ten thousand pesos para sa kanyang mga kaso.

Sa resolusyon ng korte kahapon, sinabi nitong mahina ang ebidensya ng prosekusyon laban kay Valdez kaya’t maaari na itong magpiyansa sa kasong plunder.

Sa 57 million pesos kasi na umanoy nakamal ni Valdez, tanging 2.6 million pesos lang ang suportado ng mga ebidensya ng prosekusyon.

Nagpasalamat naman si Valdez sa naging desisyon ng korte at sinabing kumpiyansa siyang madidismiss ang kaso.

Naghain na rin aniya sila ng mosyon sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa impormasyon ng kasong isinampa ng Ombudsman laban sa kaniya.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,