Not guilty – ito ang inihaing plea ni dating Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza sa pagbabasa sa kanya ng sakdal sa Sandiganbayan 2nd Division ngayon myerkules.
Si Plaza ang isa sa mga kongresistang nakasuhan sa Anti Graft Court dahil sa PDAF Scam.
Mahigit 42.1 million pesos na Priority Development Assistance Fund o PDAF ang inendorso umano ng dating kongresista sa mga pekeng ngo’s ni Janet Lim Napoles.
Sa pagbabasa ng sakdal, itinanggi ni Plaza ang mga paratang at sinabing hindi siya guilty sa limang kaso ng graft, limang kaso ng malversation at dalawang kaso ng direct bribery.
Maliban kay Plaza, not guilty plea rin ang inihain ng kanyang kapwa akusado na si Janet Lim Napoles pati na rin sina Mario Relampagos, Rosario Nunez, Lalaine Paule at Marilou Bare mula sa Department of Budget and Management at ilang opisyal ng implementing agencies na sina Gondolina Amata, Gregorio Buenaventura, Chiya Jalandoni, Sofia Cruz at Ofelia Ordonez.
Bagaman dalawampu’t tatlo ang akusado sa PDAF Scam case na ito, hindi lahat ay nabasahan ng sakdal dahil ang ilan ay at large pa. (Joyce Balancio/UNTV News)