Data base at id system ng lahat ng mga public utility driver uumpisahan na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | April 28, 2016 (Thursday) | 1003

LTFRB-FACADE
Bunsod ng serye ng mga aksidente na sangkot ang mga public utility driver, gagawa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng data base at identification system.

Maglalaman ang data base at i.d. ng mahahalagang impormasyon gaya ng pangalan ng driver at ng operator ng kanyang minamanehong public utility vehicle.

Maging ang nakaraang performance nito sa mga dating pinasukan na trabaho.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng batayan ang isang employer kung tatanggapin o hindi ang mga nag-aapply sa kanilang driver.

Nauna na itong ipinatupad sa mga taxi bunsod ng dumadaming reklamo sa mga taxi driver.

Sa pamamagitan ng id system, madaling makikilala ang driver at mas malaki ang posibilidad na matakot na gumawa ng masama sa kanyang pasahero.

Mas madaling mamomonitor kung sino ang driver ng isang pampasaherong sasakyan tuwing may aksidente sa tulong ng data base.

Gagawa rin ang LTFRB ng isang mobile application na maaaring ma- access ng mga pasahero kung saan makikita nila ang profile ng isang driver pati na ang mga naging violation nito.

Subalit ayon sa LTFRB, pinakamalaki pa rin ang responsibilidad ng mga operator sa kanilang mga driver.

Noong nakaraang taon lamang ay nakapagtala ang LTFRB ng mahigit tatlong libong reklamo laban sa mga taxi driver kabilang dito ang mga driver na namimili at nangongontrata ng pasahero.

Nito lamang nakaraang linggo, labing pitong bus ang sinuspindi ng LTFRB dahil nasangkot sa mga aksidente na kumitil ng ilang buhay.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)