Daraga Mayor Baldo, tinanggalan na ng deputation at police power

by Jeck Deocampo | January 9, 2019 (Wednesday) | 6463
File: Daraga Albay Mayor Carlwyn Baldo

ALBAY, Philippines – Ipinag-utos na ng National Police Commission (NAPOLCOM) na tanggalan ng deputation at suspendihin ang police power ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.

Sa bisa ng resolusyong inilabas ng NAPOLCOM en banc na may petsang ika-7 ng Enero 2019, inaprubahan ang pagbawi ng deputation ng alkalde na itinuturong pangunahing suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Party List Representative Rodel Batocabe.

Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman and Executive Officer Attorney Rogelio Casurao, nilabag ni Mayor Baldo ang tatlo sa apat na pamantayan ng pagtataglay sa naturang kapangyarihan. Kabilang dito ang pang-aabuso sa kapangyarihan, pagbibigay suporta sa mga kriminal at paglahok sa mga gawaing maglalagay sa alanganin sa pambansang seguridad gayun na rin sa kapayapaan at kaayusan.

Umabuso rin umano ang alkalde sa kapangyarihan nang kumuha ng confidential staff na gumagamit ng pekeng pangalan. Dagdag pa ang paggamit ng private armed group sa gun-for-hire syndicate ay malinaw na pagbibigay suporta sa mga kriminal.

“Dahil nawalan na siya ng administrative supervision and control, hindi na siya pwedeng mag-direct, hindi na niya pwedeng sabihan or utusan iyong PNP,” ani NAPOLCOM Assistant Provincial Director Attorney Edman Pares. “Nawala na rin po iyong authority niyang magbigay ng disiplina (na) binibigay po ng NAPOLCOM sa kaniya bilang mayor at pangalawa po iyong authority niyang pumili ng chief of police.”

(Mai Bermudez | UNTV News)

Tags: , , , , , ,