DAR, namigay ng mga makina sa mga magsasaka sa Palawan

by Radyo La Verdad | May 4, 2022 (Wednesday) | 965

Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng iba’t ibang makinaryang pansaka sa 3 Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) sa Coron, Palawan na may layuning mapataas ang kita ng mga miyembro nito.

Tumanggap ang Calamian Farmers Agriculture Cooperative, Paceco Agrarian Reform Cooperative, at Parmalee Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative ng 2 unit ng hand tractors, 1 unit ng water pump, at isang unit na single pass rice mill na may kabuuang halaga na P750,000.00.

Ayon sa pahayag ni DAR Secretary Bernie Cruz, sa pamamagitan ng mga makinaryang may advanced na teknolohiya, mapapabilis ang pagsasaka, mapapabuti ang pag-aani, at makakadagdag din ang mga ito sa kita ng mga magsasaka ng mga nasabing kooperatiba.

Ipinagbigay alam naman ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Conrado Guevarra na kaya namigay ng mga makinang pansaka ay upang magkaroon ng sustainable farming system sa lugar, mapalakas ang kakayahang magsaka ng mga magsasaka at makapagbigay ng maayos na trabaho sa mga mamamayan ng Palawan.

Ibinahagi ang mga makinang ito sa ilalim ng programang Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) ng DAR na may layuning mapataas ang kakayahang kumita ng mga miyembro ng agrarian reform beneficiaries (ARB) at mapabuti ang produksyon ng sakahan sa bansa.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)