DAR, mag-iinspeksyon sa Boracay para tukuyin ang mga lupang maaaring ipamahagi sa mga magsasaka

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 3340

Bibisita sa April 24 ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Boracay Island para tukuyin ang mga lupa na maari pang ipamahagi ng pamahalaan base na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa DAR, nasa 600 ektarya ng agricultural land ang maaaring maipamahagi sa mga entittled beneficiaries. Pero base sa kanilang record, 4 na ektarya na lamang ang maaring pang mapagtataniman.

Isa ito sa nais na makumpirma ng DAR sa kanilang isasagawang inspeksyon sa isla.

Ayon sa kagawaran, ang mga ito ay nakakalat sa barangay Manoc-Manoc, Balabag at Yapak.

Bukod sa agri land, may mahigit 300 ektarya pa ng forest land ang maaari ding ipamahagi sa mga magsasaka sa pamamagitan ng community based forest management agreement ng DENR.

Ayon sa DAR, kung may hawak mang titulo ang  mga residente sa lugar, invalid ang lahat ng ito batay sa proclamation number 1064 sa panahon ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.

Sinuportahan ito ng Korte Suprema sa pamamagitan ng inilabas na desisyon noong 2008 na nagdedeklara na ang Boracay ay pag-aari ng gobyerno.

Maaaring namang tumagal ng 6 na buwan ang pagproseso sa distribusyon ng lupa kapag natukoy na ang mga benepisyaryo.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,