DAR, bumuo ng task force para imbestigahan ang Sagay massacre

by Radyo La Verdad | October 23, 2018 (Tuesday) | 7859

Kinundena ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang insidente ng pagpatay sa mga magsasaka ng tubo sa Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental nitong ika-20 ng Oktubre.

Ayon kay DAR Sec. John Castriciones, bumuo na ng task force ang ahensya upang imbestigahan ang insidente. Nilinaw ng kalihim na hindi mga Agrarian reform beneficiaries ang nasawing magsasaka at hindi rin sakop ng Agrarian reform ang lupang binubungkal ng mga ito.

Ayon kay DAR Undersecretary Luis Meinrado Pañgulayan, ang Hacienda Nene ay hindi nasakop ng Agrarian reform dahil noong 1988 pa ay ipinamahagi na ng may-ari ang lupa sa 25 donies

Sa inisyal na imbestigasyon ng DAR, bandang alas 10 ng umaga noong ika-20 ng Oktubre nang pumasok sa lugar ang mga magsasaka para magbungkal ng lupa.

Bago mag-alas diyes ng gabi ay nakarinig na lamang ang mga ito ng putok hanggang nagresulta sa pagkakapatay sa 9 na tao kasama na ang 2 menor de edad.

Ayon sa source ng DAR, grupo ng Revolutionary Proletarian Army o mga dating miyembro ng NPA ang mga suspek subalit bineberipeka pa ito ng mga otoridad. Ang mga ito aniya ang ginagawang private army ngayon ng mga private land owner.

Aalamin naman ng taskforce kung ano pa ang mga tulong na maibibigay ng ahensya sa pamilya ng mga nasawi pangunahin na sa legal assistance. Maghahanap din ng iba pang bakanteng lupa ang DAR na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka sa lugar.

Isinusulong ngayon ang pamahalaan ang pagbuhay sa Comprehensive Agrarian Reform para masakop ang mahigit sa 5 daang ektarya ng lupa na maaari pang maipamahagi. Kinundena din ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang insidente.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang pamamaslang sa naturang mga magsasaka ay pananabotahe sa mga nagawa na ng Duterte administration kaugnay sa pagbibigay ng disenteng trabaho, job security at maayos na pamumuhay.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,