Dami ng nagpapabakuna, mataas pa rin kahit may non-disclosure policy – DOH

by Erika Endraca | May 24, 2021 (Monday) | 4778

METRO MANILA – Umabot na sa 108,000 ang nababakunahang Pilipino na kabilang sa priority sector kada araw ayon sa tala ng Department Of Health (DOH).

Batay ito sa 7 day moving average simula noong pagpasok ng Mayo.

Inaasahan pang aabot ito sa 200,000 na mga Pilipino kada araw sa ikalawang bahagi ng taon .

Ayon sa DOH, lubhang malaki na ang itinaas nito sa 3,000 kada araw nang magpasimula ang COVID-19 vaccination rollout noong Marso.

Pumalo naman sa mahigit 237,000 doses ang naibakuna sa loob ng 1 araw noong Biyernes.

Para sa DOH, isa itong patunay na marami pa rin namang nagpupunta sa vaccination sites kahit na hindi na inaanunsyo ang brand sa vaccination sites

Ito ay bagaman para sa ilan tila labag sa kanilang karapatan na hindi malaman ang brand ng ituturok sa kanila.

Noong nakaraang Linggo nilinaw naman ng DOH na ipaaalam pa rin naman sa isang babakunahan ang brand ng COVID-19 vaccine bago iturok sa kaniya.

“Pagdating po nila sa vaccination site they will be counseled, sasabihin po sa kanila anong brand iyon, at bibigyan ng informed consent if they will consent to be vaccinated. So iyon pong mga past days na nasabi na nga po natin na wala ng announcement ng brands, mataas pa rin naman po ang nakikita nating pagbabakuna, especially here in the NCR Plus bubble” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Batid ng DOH na nakaapekto sa hindi pagpapabakuna ng ilan ang COVID-19 vaccine brand.

Nguni’t muling ipinaliwanag ni Usec Maria Rosario Vergeire na anomang bakunang aprubado sa bansa ay makakatulong upang hindi makaranas ng severe COVID-19 infection, pagkaospital at pagkasawi ang isang indibidwal

“Itong preference for vaccines, kailangan maintindihan ng mga kababayan natin, na meron tayong race against time na sinasabi ng ating mga eksperto. Kailangan sa araw-araw na tayo ay nagbabakuna–tumataas po ang mga numero ng mga nababakunahan natin so that we can be able to reach the end na bababa po talaga ang mga tao na naosspital at namamatay dito sa ating bansa. “ ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,