Dami ng inangkat ng bigas ngayong taon, nakatulong sa presyo at supply – DA

by Radyo La Verdad | December 21, 2022 (Wednesday) | 7505

METRO MANILA – Nakatulong ang Rice Tariffication Law (RTL) para sa Department of Agriculture (DA) sa pagkakaroon ngayon ng sapat na supply ng bigas sa bansa.

Noong 2019 ay inumpisahang ipatupad ang RTL na nagpaluwag sa pag-aangkat ng bigas sa bansa.

Ngayong taon ay naitala ang pinakamaraming naangkat na bigas sa kasaysayan ng bansa na lumampas sa 3.5 Million metric tons.

Pero tiniyak ng DA na babalansehin nila ang importasyon at ang lokal na produksyon.

Una ng sinabi ng mga grupo ng mga magsasaka na malaki ang nalulugi sa mga magsasaka dahil sa pagpasok ng mga imported rice.

Ayon naman kay DA Senior Usec Domingo Panganiban, sa unang bahagi ng 2023 ay maghihinayhinay muna ang kagawaran sa pagbibigay ng import permit.

Target ng DA na mabapapa ang gastos sa lokal na produksyon at maparami ang ani ng mga magsasaka.

Sa ganitong paraan anila ay posibleng bumaba pa sa P28 ang kada kilo ng bigas na halos ka-presyo ng bigas na ibinebenta dati ng National Food Authority (NFA) sa mga palengke.

Naglaan din ng mas malaking pondo sa 2023 ang administrasyon para sa mga programa sa agrikultura.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,