Posible nang bumiyahe sa susunod na buwan ang mga Dalian trains na mahigit dalawang taon nang nakatengga sa depot ng MRT-3 sa Quezon City.
Ayon kay Department of Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, plano nilang isailalim sa provisional revenue service ang dalawa o tatlong train sets ng Dalian sa Oktubre upang masubukan kung ligtas na itong ipagamit sa mga pasahero.
Paliwanag ni Usec. Batan, kinakailangan nilang i-validate ang mga naging findings ng independent audit team na TUV Rheiland upang makumpirma kung maayos nang mapapatakbo ang Dalian trains.
Katuwang ang planning department ng Philippine National Railways (PNR), susubukan ng DOTr na patakbuhin ang Dalian trains sa loob ng 150 oras.
Sa oras na maging matagumpay ang gagawing testing sa mga tren, posible na anila itong ibiyahe sa mismong operating hours ng MRT-3.
Samantala, posible na ring mapirmahan sa katapusan ng Setyembre ang kontrata hinggil sa pag-take over ng Sumitomo bilang rehabilitation at maintenance provider ng MRT-3.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng mga economic manager ng Duterte administation ang gagawing rehabilitasyon sa MRT-3 na may pondong 18.8 bilyong piso na uutangin ng Pilipinas sa bansang Japan.
Kapag naisakatuparan ang gagawing rehabilitasyon, inaasahang dodoble pa ang bilang ng mga bibiyaheng tren sa pagsapit ng taong 2022.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: Dalian trains, DOTr, MRT 3