Usong-uso ngayon ang online selling o pagbebenta ng produkto gamit ang internet at social media.
Ngunit babala ang PNP Anti-Cybercrime Group, mag-ingat sa mga mapagsamantala.
Gaya ng naranasan ng online seller na humingi ng tulong sa ACG upang mahuli ang mga suspek na nanloko sa kanya, kwento ng biktimang si Anjanette. Naka-post sa facebook ang kanyang mga ibinibentang produkto gaya ng sapatos.
Nakadalawang order na aniya ang mga suspek sa kaniya, bago niya nabistong pinepeke pala ng mga ito ang resibo ng isang bangko at wala ring perang pumasok sa account niya bilang bayad.
Sa ikatlong order ng mga suspek na nagkakahalaga ng mahigit 72 libong piso, humingi na siya ng tulong sa PNP ACG upang mahuli ang mga ito.
Akmang kukunin na ng mga suspek ang kadedeliver lamang na produkto sa isang mall sa Cainta Rizal nang damputin sila ng mga otoridad. Pinadapa at agad na pinosasan ng mga tauhan ng PNP ACG ang mga suspek na sina John Edgar at Peter Edison Bartolome.
Paalala ng mga otoridad sa mga online seller na mag-ingat sa mga ganitong uri ng mga katransaksyon.
Sinampahan na ng PNP ACG ang mga suspek ng reklamong swindling at estafa.
Iniimbestigahan pa ng ACG kung paano napeke ng mga suspek ang resibo ng isang bangko.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: Anjanette, online seller, PNP-ACG