Dalawang pulis Maynila at hepe ng DSOU, sinibak sa pwesto dahil sa umano’y pangongotong

by Radyo La Verdad | July 19, 2018 (Thursday) | 4828

Nasorpresa ang mga pulis Maynila nang biglang lumusob sa Manila Police District (MPD) office ang mga tauhan ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police (PNP) pasado alas dose kaninang madaling araw.

Nabisto umano ng CITF ang hinihinalang pangongotong ni PO1 MJ Cerilla kasabwat si PO1 Erdie Bautista sa apat na suspek sa human trafficking.

Nahuli umano ang human traffickers ng dawalang pulis kabilang ang apat pang mga kasamahan nito sa District Special Operation Unit (DSOU) pasado alas syete kagabi.

Nanghingi umano si PO1 Cerilla sa mga suspek ng isang daang libong piso na natawaran sa halagang limampung libong piso kapalit ng kanilang kalayaan ngunit isinumbong ng mga kaanak ng isa sa mga suspek sa tanggapan ng CITF ang pangingikil ng mga pulis.

Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng CITF laban kay PO1 Cerilla kung saan naaktuhan ng operatiba ang abutan ng pera sa pagitan ng mga kaanak ng suspek at PO1 Bautista sa loob mismo ng opisina ng MPD.

Dismayado ang district director ng MPD na si Police Chief Superintendent Rolando Anduyan kaya agad na tinanggal sa pwesto ang hepe ng DSOU na si Police Chief Inspector Joselito de Ocampo.

Nasa kustodiya na ng CITF ang dalawang pulis na mahaharap sa administrative at criminal case kaugnay ng robbery extortion.

Isasailalim din sa imbestigasyon ang apat pang pulis na kasama umano sa paghuli sa mga hinihinalang human traffickers kabilang ang isang lalaking sibilyan na napag-utusan lang umano na ihatid ang mga kaanak ng suspek sa loob ng MPD.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,