Dalawang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa Muntinlupa at Tarlac City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 22, 2015 (Tuesday) | 1792

GUILLER_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente sa kahabaan ng Daang Hari Road sa Muntinlupa City kaninang ala-singko y medya ng madaling araw.

Nadatnan ng grupo ang biktimang si Reynaldo Pormento, 39-anyos habang iniinda ang sugat sa kanyang ulo at baba at pananakit ng kaliwang hita.

Ayon sa biktima, pauwi na siya mula sa magdamag na trabaho bilang security guard sa isang supermarket nang makaidlip habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo.

Hindi niya namalayan nang dumulas ang kanyang gulong at tumama ang kanyang ulo sa flooring dahilan kaya dumugo ang kanyang tainga.

Matapos lapatan ng pang-unang lunas ang kanyang mga sugat ay inihatid na siya ng Rescue Team sa ospital ng Muntinlupa.

Samantala, sa bahagi naman ng Mc Arthur highway sa Tarlac City ay isang lalaki ring naaksidente sa motorsiklo ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team.

Nadatnan ng grupo ang biktimang si Ferrer David, 54-anyos, habang walang malay sa kalsada.

Nagtamo ng sugat sa ulo at mga gasgas sa kamay ang lalaki na agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV Rescue

Pagkatapos ay inihatid na siya sa ospital ng rumesponde ring Rescue Unit ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa imbestigasyon ng Barangay Police, nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima kaya ito naaksidente. (Guiller Dumaran / UNTV News)

Tags: