1.491 milyong piso na halaga ng maanomalyang pagbili ng mga medical equipment ang kinasasangkutan nina BGen. Edwin Leo Torrelavega, commander ng V. Luna Medical Center AFP Health Service Command at Col. Antonio Punzalan, commander ng V. Luna Medical Center, Chiefs of Management and Fiscal Office.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat dahil may limampung milyong pisong pondo buwan-buwan ang naturang ospital para sa medical assistance ng mga sundalo.
Duda ng punong ehekutibo, napupunta lamang umano sa mga tiwaling military official ang naturang pondo. Agad na pinatanggal sa pwesto ng Pangulo ang dalawang military official at ipinasasailalim sa court martial proceedings.
Isang whistleblower ang nagbigay ng impormasyon kaugnay sa nangyayaring anomalya sa AFP Medical Center.
Samantala, pinangangambahang sangkot din sa iba pang katiwalian ang dalawang opisyal pati ang nasa dalawampung high rangking official at empleyado ng logistics office ng AFP health service kung saan daang milyong piso halaga ng transaksyon ang pinag-uusapan.
Samantala, sinabi naman ng pamunuan ng AFP na tuloy ang kanilang imbestigasyon sa isyu.
Mas pinaigting na rin aniya nila ang kampanya kontra korapsyon sa Sandatahang Lakas at naglagay ng mga bagong polisiya upang makasunod sa mandato ng Pangulo na no tolerance pagdating sa mga korap na opisyal.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )