Dalawang matataas na opisyal ng NPA sa Samar, sumuko

by Radyo La Verdad | October 31, 2018 (Wednesday) | 7954

Boluntaryong sumurender sa 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police (PNP) si “Ka Nestor” at “Ka Joel”, kapwa miyembro ng New People’s Army (NPA).

Mahigit sa labinlimang taon nang kasapi ng samahan si Ka Nestor at kasalukuyang NPA commander na nag-ooperate sa Samar at Eastern Samar.

Habang si “Ka Joel”, halos sampung taong kasapi at kasalukuyang political instructor sa ilalim ng national command ng rebeldeng grupo.

Sumuko anila sila upang makasama ang kanilang pamilya. Hindi na rin nila kaya ang hirap at panganib na nararanasan sa kabundukan. Kasama sa isinuko ng mga ito ang kanilang mga armas at bala.

Ayon kay Police Chief Superintendent Dionardo Carlos, regional director ng PNP 8, ang pagbabalik-loob ng mga rebelde ay bunga ng localized peace talks at ng pinaigting na intelligence and information operation o counter propaganda ng pamahalaan upang masugpo ang mga rebelde nang hindi gumagamit ng dahas.

Sa ngayon ay pinoproseso na ang mga kaukulang dokumento upang maka-avail ang mga ito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

Sa ilalim nito, makakatanggap ng immediate assistance na 15,000 piso ang mga rebel returnees, livelihood assistance na 50,000 piso, PhilHealth assistance, skills development assistance, security assistance at firearm remuneration.

Paglilinaw naman ng PNP na hindi nila binibili ang mga armas na kasama sa pagsuko ng mga rebelde kundi ito umano ay karagdagang tulong para sa kanilang pagbabagong buhay.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,