Dalawang mahalagang panukalang batas para sa sektor ng agrikultura, isusumite sa Hulyo

by Radyo La Verdad | May 20, 2016 (Friday) | 6641

AGRICULTURE
Tiwala si Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar na agad makakapasa sa plenary debates sa Senado ang dalawang panukalang batas na isusumite niya sa buwan ng hulyo para sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.

Ito ang inihayag ng Senador sa kaniyang pagdalo sa 14th Annual Convention of the Provincial and Municipal Veterinarians League of the Philippines sa Samal, Davao del Norte.

Ayon sa Senadora, malaking porsiyento sa mga pilipinong nakakaranas ng kahirapan ay nasa sektor ng agrikultura partikular na ang mga magsasaka at mga mangingisda.

Kaya isa sa mga panukalang batas na kaniyang iniakda ay tungkol sa paglalaan sa agriculture sector ng bahagi ng pondo mula sa development fund ng bawat local government unit.

Pangalawa sa kaniyang isusumiteng panukalang batas ay may kaugnayan sa pag-amiyenda sa republic act number 382 o ang Philippine Veterinary Medicine Law na layong palakasin ang pagkilala sa mga nagiging kontribusyon ng mga beterinaryo sa bansa.

Naniniwala rin si Villar na malaki ang maitutulong ng administrasyon ni Presumptive Pres. Rodrigo Duterte upang lalong mapaunlad ang sektor ng agrikultura.

(Nel Maribojc/UNTV NEWS)

Tags: ,