Dumating ngayon lunes sa Malakanyang si Chilean President Michelle Bachelet bilang bahagi ng kaniyang state visit kung saan mismong si Pangulong Aquino ang sumalubong sa kaniya.
Ilan sa pinag-usapan ng dalawang lider sa expanded bilateral meeting ay ang mga usaping may kinalaman sa enerhiya, pagmimina, agrikultura, edukasyon, trade and investment.
Dalawang mahalagang kasunduan naman ang nilagdaan ng dalawang bansa -ang letter of intent on joint study for free trade agreement ng Pilipinas at Chile na nilagdaan nina DTI Secretary Gregory Domingo at Chile Foreign Affairs Minister Heraldo Munoz;
At ang memorandum of understanding on disaster risk reduction and management na nailagdaan rin ni Munoz at NDRRMC Executive Director Alexander Pama.
Pangunahing layon ng kasunduang ito, na magkaroon ng palitan ng kaalaman at karanasan ang dalawang bansa pagdating sa disaster preparedness.
Ang pilipinas naman ang magbibigay ng teknolohiya sa Chile pagdating sa kaalaman sa renewable energy.
Ito ang kauna-unang pagbisita ni President Bachelet sa Pilipinas na nakatakda ring dumalo sa APEC Economic Leaders Meeting. (Nel Maribojoc/UNTV News)
Tags: Chile Foreign Affairs Minister Heraldo Munoz, chilean president Michelle Bachelet, Pangulong Aquino