Nananawagan sa publiko ang mga pamilya ng dalawang negosyante na sina Engr. Evan Labonete, 52 anyos at Nicomedes Eguna, 55 anyos hinggil sa kinaroroonan ng dalawa na mahigit limang buwan nang nawawala.
Sa isang press conference na isinagawa kanina sa headquarters ng National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni Gng. Susan Labonete, na January 19 ngayong taon nang pumunta ang asawa niya sa Cainta, Rizal kasama ang business partner nito na si Eguna upang magsagawa ng site inspection para sa kanilang proyekto.
Ito na ang huling pagkikita at paguusap nila ng asawa nang ihatid niya ito sa isang supermarket sa Commonwealth Ave. Quezon City upang doon mag-antay kay Eguna.
Isinapubliko naman ng NBI ang kuha ng CCTV ng isang bangko kung saan naganap ang pagwi-withdraw ng isang di pa nakikilalang suspek sa ATM account ni Engr. Evan Labonete sa Binangonan at Angono Rizal dalawang araw matapos silang mawala.
Walang makitang lead sa kaso ang NBI dahil walang lumulutang na witness na makapagtuturo sa kinaroroonan at wala ring kahit anong demand na ransom. Tinitingnan naman ng ahensiya ang anggulo ng kidnapping sa magbusiness partner dahil sa bank withdrawals na isinagawa ng di matukoy na lalaki na itinuturong suspect sa pagkawala ng dalawa.
Kung sino man ang makakita sa kanila ay mangyaring ipaalam sa NBI Anti-Organized Crime Division sa mga numerong 523-3265 / 521-7781.