Dalawang fire officials ng Valenzuela city, tinanggal sa pwesto

by dennis | May 15, 2015 (Friday) | 1713

KENTEX FACTORY

Inalis na sa kanilang pwesto ang fire marshall ng Valenzuela City na si Supt. Mel Jose Lagan at ang chief ng Fire Safety Enforcement Section na si Ed-groover Oculam kaugnay sa naganap sa sunog sa pabrika ng tsinelas sa nabanggit na lungsod.

Sa isang panayam sa programang “Tinig ng Pilipino” kay Chief Fire Inspector Renato Marcial ng Bureau of Fire Protection, ni-relieve sa pwesto ang dalawang opisyal para bigyang daan ang ginagawang imbestigasyon sa naganap na sunog.

Sa pinakahuling datos ng BFP, sinabi ni Marcial na nananatili pa rin sa 72 ang bilang ng patay sa sunog kung saan 36 dito ay pawang mga kababaihan at 28 naman ang kalalakihan.

Sa inisyal na ulat na ipinahayag ni Marcial, nasa 105 ang napagalamang nasa loob ng pabrika nang maganap ang insidente. Patuloy pa rin ang ginagawang retrieval operations para sa iba pang nawawala. (UNTV Radio)

Tags: , ,