Tinatayang nasa 245 million pesos na halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy nang masunog ang dalawang warehouse sa loob ng Cavite Economic Zone sa bayan ng Rosario noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy bandang alas nuebe ng gabi sa bodega ng SCAD Services at kumalat sa isang gusali ng House of Technologies o HTI Incorporated.
Wala namang naitalang sugatan sa insidente at kasalukuyan pang iniimbestigahan ang sanhi nito.
Sa SCAD Services umano ginagawa ang mga bahagi ng bahay na itinatayo ng House of Technologies o HTI Incorporated.
Noong February 2017, tinupok din ng apoy na tumagal ng tatlong araw ang factory ng HTI kung saan tatlo ang nasawi at mahigit isandaang empleyado ang sugatan.
Dahil sa sunog, isang libong empleyado ng dalawang kumpanya ang pansamantalang mawawalan ng trabaho.
( Guiller Dumaran / UNTV Correspondent )
Tags: bodega, Cavite Economic Zone, nasunog