Dalawang biktima ng magkahiwalay na insidente sa Cagayan de Oro City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | September 7, 2017 (Thursday) | 2310

Inabutan ng UNTV News and Rescue Team sa brgy. hall ang 23 anyos na si Froilan Ramos habang inirereklamo ang panununtok sa kaniya ng isang kapwa tricykad driver na si Jon Lester sa Carmen, Cagayan de Oro City.

Ayon kay Froilan, mag-aalas otso ng gabi nang binabagtas niya ang kahabaan ng Max Suniel Street sa nasabing brgy. nang bigla umano huminto ang sinusundan niyang tricykad kaya nabangga niya ito. Nagalit umano si Lester at bigla na lamang siyang sinuntok sa mukha. Nagtamo ng bukol sa ilong si Froilan na agad namang nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team.

Makalipas lamang ang mahigit dalawang oras, isang taxi naman na bumangga sa garbage container ang nirespondehan ng UNTV Rescue. Nagtamo ng sugat sa tuhod at bukol sa ulo ang 38 anyos na si Jenjef Caminero.

Ayon kay Caminero, binabagtas niya ang kahabaan ng Saarenas Avenue nang may mabilis na sasakyan na kailangan niyang iwasan kaya siya bumangga sa basurahan.

Kapwa tumanggi ang mga biktima na magpadala sa ospital matapos mabigyan ng pang unang lunas ng UNTV News and Rescue Team.

 

(Weng Fernandes / UNTV Correspondent)

Tags: , ,