Dalawang araw na tigil-pasada ng ilang transport strike, simula na ngayong araw

by Radyo La Verdad | September 25, 2017 (Monday) | 2897

Dalawang araw na transport strike ang isasagawa ng Stop and Go Coalition simula ngayong araw. Ito ay upang tutulan ang umano’y napipintong jeepney phase out na plano ng Department of Transportation.

Sa facebook page ng grupo, sinabi nito na anti-poor ang modernization program ng DOTr at siguradong maraming maaapektuhan.

Inanunsyo naman ng MMDA at LTFRB na magkakaroon ng mga libreng sakay sa bus sa mga commuter na maapektuhan ng strike. Maaaring matagpuan ang mga libreng sakay sa Monumento, SM Marikina, Luneta Park, HK Sunplaza Swift, UP Technohub, MMDA parking lot at Camp Aguinaldo.

Samantala, tuluyan nang sinampahan ng kaso ng LTFRB ang grupong Piston dahil sa nagawa nitong malaking abala sa publiko ng magsagawa ang grupo ng tigil pasada noong Pebrero. Ayon sa LTFRB, nilabag ng Piston ang Section 20-K ng Public Service Act.

Hindi umano dapat magsagawa ng mga pagkilos ang isang Public Transportation Service na makakaapekto ng lubha sa publiko. Matatandaan noong Pebrero na napilitan ang ilang mga eskwelahan, government offices at mga pribadong kumpanya na mag suspindi ng pasok dahil sa naturang tigil pasada.

Ayon naman sa Piston, constitutional right umano nila ang magsagawa ng kilos-protesta. Nanindigan ang mga ito na totoo na mayroong magaganap na phase out taliwas sa sinabi ng LTFRB na modernization lamang ang magaganap.

Nakahanda naman ang Piston na harapin ang kaso, inihahanda naman ng LTFRB ang sunod na kasong isasampa naman laban sa Stop and Go Coalition.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,