Dalawang araw na tigil-pasada, isinasagawa ng grupong PISTON simula ngayong araw

by Radyo La Verdad | October 16, 2017 (Monday) | 3049

Hindi nagpatinag ang transport group na Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON sa reklamong paglabag sa Commonwealth Act 146 o ang Public Service Law na una nang isinampa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board laban sa lider ng mga ito na si George San Mateo, dahil ito sa pagsasagawa nila ng transport strike noong Pebrero ngayong taon, na nakaapekto sa maraming mga mananakay.

Ngayong araw ay inumpisahan naman ng grupo ang dalawang araw na malawakang tigil-pasada ng mga ito biglang pagtutol sa planong jeepney modernization program ng pamahalaan.

Dahil dito, sinuspinde na ng Malakanyang ang klase sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa ngayong araw. Wala na ring pasok sa mga government offices upang hindi na mahirapan ang mga pasahero. Maging ang Supreme Court, House of Representative at senado ay nagdeklara na rin ng work suspension.

Naghanda naman ang MMDA ng 41 mga bus at truck na magbibigay ng libreng sakay. Naka-antabay rin ang ilang mga pribadong bus. Maari namang tumawag ang mga ma-iistranded na pasahero sa MMDA hotline number 136 upang agad na mapadalhan ng sasakyan.

Samantala, sinuspinde na rin ng MMDA ang implementasyon ng number coding scheme ngayong araw sa lahat ng pampubliko at pribadong sasakyan upang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng motorista na makabiyahe upang hindi na maabala pa ng transport strike.

Muli namang binabalaan ng LTFRB, na tatanggalan ng prangkisa ang lahat ng tsuper at operator na lalahok sa tigil-pasada.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,