Dalawa sa walong nasaktan sa banggaan ng jeep at truck sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News Rescue Team

by Radyo La Verdad | April 12, 2015 (Sunday) | 1978

UNTV RESCUE 2

Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring banggaan ng jeep at truck sa Brgy. Sta Cruz, Quezon Avenue alas-dos y medya kaninang madaling araw.

Walo ang kabuuang bilang ng mga nasaktan, kabilang na ang isang walong buwang buntis na babae at ang driver ng jeep na nagtamo ng mga bugbog at sugat sa katawan matapos maipit at mauntog nang banggain sa likuran ng isang dump truck.

Sa lakas ng impact, nayupi pa ang likurang bahagi ng jeep.

Dalawa sa mga nasaktan ang binigyan ng paunang lunas ng UNTV Rescue Team na kinilalang sina Rene Lucay-Lucay, 19-anyos at Joseph Sobito na nagkasugat sa kamay at dumaing ng pananakit ng binti at balakang.

Ang iba pang pasahero ay tinulungan naman ng mga rescuer ng Quezon City Department of Public Order and Safety na rumesponde rin sa insidente.

Ayon naman sa driver ng jeep na si John Christopher Toribio, 20-anyos palagpas na sila sa U-turn slot nang bigla silang banggain ng truck.

Depensa naman ng driver na si Estelito Varilla, biglang huminto ang jeep sa gitna ng kalsada kaya hindi siya agad nakapag-preno.

Matapos bigyan ng first aid ay dinala na ang mga biktima sa East Avenue Medical Ccenter para lubos na masuri ang kanilang kalagayan;habang ang driver ng truck ay nasa kustodiya ng QCPD Police Station 2 para imbestigahan sa posibleng pananagutan. ( Reynante Ponte / UNTV Radio Laverdad 1350 )

Tags: