Dalawa sa limang preso na nakatakas sa Rosario Police Custodial Center, napatay ng mga pulis

by Radyo La Verdad | August 16, 2017 (Wednesday) | 2085

Sa tulong ng ilang concerned citizen ay natukoy ng Rosario Cavite Police ang kinaroroonan ng dalawa sa limang persons deprived of liberty o preso na nakatakas mula sa kanilang custodial center noong August 09.

Agad na tinungo ng tracker team ang Barangay Muzon Dos, Rosario Cavite upang arestuhin ang mga ito.

Ngunit ayon kay Police Inspector Deogracias Cebu, pagdating ng otoridad sa lugar ay sinalubong ang mga ito ng putok ng baril mula sa isa sa mga suspek.

Kinilala ang mga napatay na sina Josefino Abad at Lindon Bartolo.

Narecover sa mga ito ang isang kalibre kwarentay singko, tatlong sachet ng hinihinalang pakete ng shabu at isang fragmentation ng MK2 grenade.

Patuloy naman ang manhunt operation sa iba pang nakatakas na sina Ryan James Villanueva, Frederick Legaspi, at Dannymar Cariño. Panawagan ng PNP, itawag sa kanilang hotline ang anomang impormasyon sa kinaroroonan ng mga ito.

Tumakas ang mga ito alas dos ng madaling araw noong Agosto nueve sa pamamagitan ng pagpapanggap na may preso na mayroong dinaramdam.

 

(Randy Forastero / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,