Dahan-dahang pag-aalis ng COVID-19 Alert Level System sa bansa, inirerekomenda ng private sectors

by Radyo La Verdad | February 1, 2022 (Tuesday) | 1569

METRO MANILA – Ngayong bumababa na ulit ang mga kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa at dumarami na ang bilang ng mga nababakunahan.

Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion, tinitingnan na rin nila ang posibilidad ng pag-aalis sa alert level restrictions sa bansa.

Aniya, kahit pa man tumaas ang kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na linggo dahil sa Omicron variant, hindi naman nito naabot ang high risk capacity sa mga ospital, kaya’t maikukonsidera na rin itong batayan para magluwag pa ng quarantine restrictions.

Bahagi pa rin ito ng kanilang iminumungkahi sa pamahalaan kasama ng private sector na pandemic exit plan kung saan dahan dahan nang aalisin ang COVID-19 restrictions.
Ayon kay Concepcion, napapanahon na para paghandaan ang transition ng bansa tungo sa tinatawag na endemic mindset at maituring na bahagi na ng buhay ang COVID-19.

Sang-ayon naman ang ilang health experts sa iminumungkahi ngayon na pandemic exit plan o ang dahan-dahang pagaalis ng restrictions, kasunod ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang mensahe na ipinadala ng presidente ng Philippine College of Physicians na si Doctor Maricar Limpin sinabi nito, maaari nang luwagan ang mga ipinatutupad na restrictions hanggang sa tuluyan na itong maialis sa hinaharap.

Gayunman hindi pa rin dapat mawala ang palagiang pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Maging ang health advocate na si Doctor Anthony Leachon ikinokonsidera rin ang panukalang pandemic exit plan.

Pero giit nito, masyado pang maaga para gawin ang pagluluwag ng mga restrictions lalo’t marami pa rin ang mga nagpopositibo sa COVID.

Mahalaga rin aniya na maipaunawa ng mabuti sa publiko ang magiging epekto ng pandemic exit plan.

Samantala, sinabi naman ni Concepcion na nakatakdang magpulong ang mga nasa pribadong sektor kasama ng IATF para pag-usapan ang pagbuo ng konkretong guidelines para sa sinasabing pandemic exit plan.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,